Inamin ng pamunuan ng Shed Owners Association sa Tondaligan Beach na hindi nila mapigilan o makontrol ang mataas na singil sa presyo ng ilang mga shed owner ngayong holiday season.

Nag-umpisa nang nagsidayo sa mga tourist destination sa Pangasinan ang ilang mga indibidwal upang maenjoy ang Christmas break at magsasama-sama ang buong pamilya.

Ayon kay Resty Tamayo, ang Officer-in-Charge ng asosasyon, na kahit maraming mga pumupunta ngayon sa lugar ay matumal parin ang kita ng mga shed owners hindi kagaya noong nakaraang taon.

--Ads--

Dahil dito, ang ilan naniningil ng mataas na presyo habang ang ilan nananatiling mababa ang presyo nila.

Aniya na nagsagawa na ito ng pag-iilot sa mga shed owners kung saan paulit-ulit nilang pinaalalahanan ang mga miyembro na sundin ang bilin ng alkalde na kontrolin ang presyo, pero may ilan pa ring hindi sumusunod.

Mayroong 152 sheds o cottages sa lugar. Karaniwan, ang singil ay ₱800 hanggang ₱1000 sa ganitong holiday, pero may mga naniningil ng ₱2000 hanggang ₱2500.

Sinabi pa ni Tamayo na kahit mahal, marami pa ring beachgoers ang nagbabayad dahil gusto nilang magsaya rito.

Bukod dito, nagbigay din si Tamayo ng mga paalala sa mga dadayo dito, lalo na sa pagtatayo ng mga tent at papag, pag-overnight stay, pagbabawal sa pagligo sa dagat kapag gabi at pag-iingat sa mga gamit para hindi mawala o manakaw.

Samantala, nagbabala naman ang PAGASA Dagupan City sa mga beachgoers na maging maingat dahil sa posibleng paglakas at pagtaas ng alon.

Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr. ang Chief Meteorologist ng nasabing tanggapan na wala namang nakataas na gale warning sa lalawigan ngunit manatili paring maging alerto sa mga abiso ng kanilang tanggapan para maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari sa kapag nasa dalampasigan.