Humiling ng pang-unawa ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa implementasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) na daraanan ng mga magpaparehistro ngayon ng sasakyan.
Ayon kay LTO region 1 Director Atty. Teofilo ‘Jojo’ Guadiz III, mandato ng kanilang ahensya na tiyaking magiging ligtas ang daan para sa lahat kahit pa nasa gitna tayo ng pandemic kaya naman naglalatag na sila ng standards ngayon upang tiyakin na tanging mga road worthy vehicle nalamang ang makikita sa mga lansangan.
Lumalabas aniya sa datos na mas mataas pa ang namamatay sa aksidente kada oras kumpara sa COVID-19 pandemic.
Kayat hiling ni Guadiz na bigyang pansin din ang usaping ito.
Nakakalungkot lang aniya na maraming nagrereklamo sa singil na higit P1,500 na singil sa inspeksyon subalit walang nagrereklamo sa higit P3,000 hanggang P5,000 swab test.
Giit ni Guadiz, ang ginagawa nila ay hindi upang pahirapan ang mamamayan kundi para maibaba ang bilang ng mga namamatay dahil sa aksidente.
Aniya, ang mga aksidenteng ito ay dahil lamang sa dalawang dahilan na kinabibilangan ng problema sa driver at problema sa mismong sasakyan bagay na binibigyang tugon ngayon ng kanilang ahensya.




