DAGUPAN CITY- Patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng pamunuan ng Barangay Longos Central at ng Longos Elementary School sa bayan ng San Fabian, kaugnay ng matagal nang problema sa naipong tubig sa loob ng paaralan.
Ayon sa Brgy Kapitan na si Eva Liwanag, dahil sa sunod sunod na mga pag ulan nuting mga nakalipas na araw, ilang linggo na ang lumipas ngunit hindi pa rin humuhupa ang tubig na bumalot sa ilang bahagi ng eskuwelahan.
Dagdag niya, isa sa mga dahilan ng naturang problema ay ang konstruksyong nagsara umano sa dating daanan ng tubig palabas ng paaralan.
Dahil dito, taon-taon na lang ay naiipon ang tubig tuwing tag-ulan, na nagdudulot ng abala sa mga guro at mag-aaral.
Dahil sa lumalalang sitwasyon, nangako ang barangay na makikipagtulungan ito sa paaralan at lalapit sa mga kinauukulang ahensya upang agad na maaksyunan ang isyu.
Bahagi ng kanilang plano ang muling pagbubukas o pag-aayos sa dating daluyan ng tubig, gayundin ang paghahanap ng mas pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang paulit-ulit na pagbaha sa lugar.
Sa ngayon, pansamantalang ginagamit ng ilang guro at estudyante ang mga parte ng eskuwelahang hindi apektado ng tubig upang maipagpatuloy ang klase, habang inaasahan ng pamunuan ang agarang tugon ng mga lokal na awtoridad sa kanilang hinaing.