Dagupan City – Naghahanda na para sa tag-ulan ang pamunuan ng Barangay Caranglaan dito sa lungsod ng Dagupan sa pamumuno ni Punong Barangay Gregorio Claveria Jr.

Ayon sa kanya, aktibo silang gumagawa ng mga hakbang para pagtuunan ng pansin ang panahon ng tag-ulan maging ang pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.

Pangunahing prayoridad nila ngayon ay ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral na papasok na sa paaralan lalo na sa maaring banta ng mga sakit na dulot ng nararanasang panahon.

--Ads--

Aniya na katuwang nila dito ang mga aktibong asosasyon at boluntaryong grupo lalo na sa pakikilahok sa pagsisimula ng Brigada Eskwela 2025 ngayong araw sa pamamagitan ng paglilinis at pag-aayos ng mga sirang kagamitan sa loob at labas ng silid-aralan sa kanilang nasasakupan para masigurong ligtas ang bawat batang papasok.

Saad nito na humiling na ito sa kinauukulan para naman sa fogging at misting sa mga paaralan upang maiwasan ang pagkalat ng dengue.

Mayroon ding nakahandang gamot ang barangay na maaaring ipamahagi kung kinakailangan at malaki din ang suporta na binibigay ng kanilang lokal na pamahalaan para dito.

Samantala, nanawagan naman si Kap. Claveria sa mga residente na maging maingat sa panahon ng tag-ulan, linisin ang mga kapaligiran upang maiwasan ang pagdami ng lamok, at iwasan ang paglusong sa baha upang makaiwas sa sakit na leptospirosis.