DAGUPAN CITY- Naalarma ang pamunuan ng Barangay Bonuan Binloc sa ulat ng bentahan umano ng vape na may halong cannabis sa mga menor de edad sa kanilang nasasakupan.
Matatandaan na noong Enero 16, 2026 ay tinalakay ang usapin sa Vape Ordinance Committee Hearing sa Sangguniang panlungsod na siyang nagbukas sa nasabing isyu.
Dahil dito umapela si Kapitan Wilmer Castañares sa PDEA at PNP para tumulong at magsagawa ng imbestigasyon tungkol dito.
Ayon kay Kapitan Castañares, nabuksan ang usapin nang nagbahagi ang kanyang isang SK member na may mga alegasyon na mayroon umanong kabataan na gumagamit ng vape na may halong illegal drugs sa kanilang barangay.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng barangay kung saan nakakakuha ng vape na may nilalagay na illegal drugs.
Saad niya na may dalawang vape shop sa kanilang barangay, ngunit hindi pa kumpirmado kung may kinalaman sila dito.
Wala pa din aniya silang nahuhuling mga kabataan na gumagamit nito.
Kaya, hiniling niya ang kooperasyon ng mga magulang, eskwelahan, at establisyimento upang masiguro na nasusunod ang batas ukol sa paggamit ng vape.
Pagbabahagi nito na iminungkahi rin niya sa Sangguniang Panlungsod na maghanap ng paraan para maiwasan ang paghahalo ng illegal drugs sa vape at sisiguraduhin na susunod ang mga vape shop sa mga requirement sa permit.
Nanawagan naman ito sa mga kabataan na sumunod sa batas na nagsasaad na 21 taong gulang pataas ang maaaring gumamit ng vape at sa mga vape shop naman na huwag magbenta sa menor de edad at ireport ang kahina-hinalang aktibidad lalo na sa illegal na droga.










