DAGUPAN CITY- Ipinagmalaki ng pamunuan ng Barangay Bacayao Norte, sa pangunguna ni Kapitan Diosdado Maramba, ang natapos na pagsesemento ng ilang daanan sa iba’t ibang sitio sa kanilang barangay noong 2025 para makatulong sa problema sa baha.
Malaki ang pasasalamat ni Kapitan Maramba kay Mayor Belen Fernandez sa pagtupad ng proyektong ito.
Ayon dito, natapos na ang proyekto sa Sitio Baybay, Phase 1, Phase 2 at 3 naman sa Sitio Centro.
Aniya, matagal na itong hinihiling ng kanilang barangay sa mga nakaraang administrasyon dahil palagi silang binabaha.
Kaugnay ng mga problema sa barangay, ikinalungkot ni Kapitan Maramba ang pagsabog ng paputok noong nakaraang pasko na ikinasawi ng ilang indibidwal kaya tinitiyak nito na patuloy nilang babantayan ang ilegal na paggawaan ng paputok sa kanilang nasasakupan.
Matapos ang insidente, agad silang nakahuli ng dalawang magkapatid na sangkot sa ilegal na paggawa ng paputok at nakasuhan na ang mga ito.
Kaugnay nito, Aminado ri siya na dumarami ang mga gumagamit ng ilegal na droga sa kanilang barangay kaya naman kasama ang Barangay Council at mga tanod, mas pinaigting nila ang pagbabantay at hinihimok ang mga residente na magsumbong sa kanya kung may nalalaman silang gumagamit o nagbebenta ng droga.
Sa problema naman sa basura, sinabi ni Kapitan Maramba na mahigpit nilang ipinapatupad ang segregation ng basura.
Hinihimok din niya ang kanyang mga barangay official na gampanan ang kanilang mga tungkulin upang matugunan ang lahat ng problema sa kanilang barangay.










