Dagupan City – Inilunsad ni Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste ang Makabata-Hotline bilang tugon sa lumalalang problema ng bullying sa mga paaralan na unang ipinatupad sa Central Elementary School.

Ayon kay Mayor Celeste, ang Alaminos City Central Elementary School, na isa sa pinakamalaking paaralan sa lungsod, ang napiling “first salvo” ng Makabata-Hotline dahil sa kritikal na pangangailangang tugunan ang isyu ng bullying.

Layunin ng Makabata-Hotline na magbigay ng agarang tulong, suporta, at intervention sa mga mag-aaral na biktima ng bullying at iba pang uri ng pang-aabuso.

--Ads--

Bukod dito, inaasahan din na mapapadali nito ang pagresolba sa mga insidente ng karahasan sa loob ng paaralan.

Sa pamamagitan ng hotline, hinihikayat ang mas aktibong pakikilahok ng mga mag-aaral, magulang, guro, at iba pang stakeholders sa pagsumbong ng mga kaso ng bullying, cyberbullying, sexual harassment, at iba pang uri ng pang-aabuso.

Sa ganitong paraan, mas mapoprotektahan ang kapakanan ng mga bata sa Alaminos City at masisiguro ang isang ligtas at conducive na kapaligiran para sa kanilang pag-aaral at pag-unlad.

Kasabay ng paglulunsad ng hotline, nagpahayag din ng suporta ang lokal na pamahalaan sa mga programang nagtataguyod ng mental health awareness at positive discipline sa mga paaralan.