Dapat tignan ang pamumuno ng isang lider hindi sa kanyang edad kundi sa aktuwal na kapasidad ng isang opisyal.
Ito ang pahayag ni Atty. Francis Dominic Abril, Legal/ Political Consultant, sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kaugnay sa isinusulong ng ilang kongresista na pababain ang age requirements sa mga top gov’t positions sa bansa
Ipinaliwanag ni Abril na maaring naisip ng mga nagsusulong nito na ang 40 anyos na edad ay nasa tamang maturity o nasa level na matatawag na may experience.
Aniya, hindi rin naman dapat maliitin ang mga ito bagamat bata pa ay may taglay na silang lakas o kakayahan na mamuno sa national position.
Binanggit niya na may ilang local officials din na bagamat mga bata pa sa posisyon ay naging epektibo naman ang kanilang pamumuno.
Kinuwestyun lamang ni Abril ang timing ng pagsusulong baka matabunan umano ang mga malalaking isyu sa bansa lalo nasa kalagitnaan ngayon ng mga committee investigation sa usaping mga maanomalyang proyekto.
Gayunman ay magandang mapag usapan umano ito sa tamang panahon.
Iminungkahi naman nito na gandahan na sana ang proposal at isama na rito ang mga nais iwasto sa mga mali sa kasalukuyang konstitusyon,at nang mapag usapan na sa plenaryo.
Sa pamamagitan nito ay masisilip kung pansariling interes lamang ang isinusulong at nang mapigilan din at hindi abusuin ang kapangyarihan ng mga niluluklok na opisyal.