Dagupan City – Patuloy na nababawasan ang bilang ng mga bumibiyaheng pampasaherong jeep sa Pangasinan dahil sa patuloy na epekto ng mataas na presyo ng langis.

Dahil dito, muling nanawagan ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (AUTOPro) Pangasinan para sa dagdag na pamasahe, iginiit na hindi pa rin sapat ang ipinatutupad na fuel discount para sa mga driver ng pampasaherong jeep at UV Express.

Ayon kay Bernard Tuliao, presidente ng AUTOPro Pangasinan, umaasa silang maaaprubahan na ang isang makatarungang fare adjustment. Aniya, kinakailangan ang karagdagang P2.00 sa minimum na pasahe upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng kanilang gastusin sa operasyon.

--Ads--

Bagama’t itinaas ng pamahalaan ang fuel discount para sa mga driver ng pampasaherong jeep at UV Express, sinabi ni Tuliao na hindi pa rin ito sapat upang maibsan ang kanilang pagkalugi.

Samantala, ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, itinaas sa P12.00 kada litro ang fuel discount mula sa dating P10.00 kada litro bilang bahagi ng ayuda ng pamahalaan sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Sa kabila nito, sinabi ni Tuliao na tila “paralisado” na ang maraming tsuper dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng krudo. Dagdag pa niya, hinihintay pa ng kanilang grupo kung magkakaroon ng mga kilos-protesta kaugnay ng kanilang panawagan para sa dagdag-pasahe.