DAGUPAN CITY — “Lutang pa rin sa kasiyahan ang buong pamilya.”
Ganito isinalarawan ni Haydee Cruz sa pagtatapos ng kanyang anak na si P2Lt. Jhun Lyndon Zamora mula sa Urdaneta City, Pangasinan, bilang Class Valedictorian ng Philippine Army Course GAIGMAT Class 58-2023.
Sa eksklusibong panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi nito na hindi nila inasahan ang nakamit na malaking tagumpay ng kanyang ikalawang anak sa pagtatapos nito bilang Top 1 sa kanyang klase.
Ibinahagi nito na isang matagal ng pangarap ng kanyang anak na makapasok at magtapos sa Philippine Army simula pa lamang ng pagkabata nito. Ibinahagi ni Cruz na sa kilos pa lamang ng kanyang anak ay kapansin-pansin na ang pagiging masigla nito sa pag-aaral, lalo na sa kinuha niyang kurso sa kolehiyo na Criminology.
Saad pa nito na kaagad na sumubok na mag-apply ng kanyang anak sa Philippine Army nang ito ay magtapos sa kanyang pag-aaral, subalit sa umpisa ay kumontra sila sa desisyon ng kanyang anak kung saan ay pareho silang nagpahayag ng kanyang asawa na kung sakaling hindi sila lalagda sa waiver ay hindi ito isang pagtutol sa pagnanais ng kanilang anak. Bagkus ito aniya ay dala ng nerbiyos at pagaalala para sa kapakanan nito.
Dagdag nito na inintindi naman ng kanyang anak ang saloobin ng mga ito. Sinubukan din nila na kumbinsihin na mag-apply ito sa Philippine National Police, at sinunod naman nito ang kanilang kagustuhan.
Subalit sa kasamaang-palad ay hindi nito naipasa ang pagsusulit para rito.
Dito naman na ani Cruz sila nagbigay ng buong suporta sa pagnanais ng kanilang anak na pumasok ng Philippine Army.
Ibinahagi pa ni Cruz na hindi pa rin maaalis ang iba’t ibang saya at tuwa na kanilang nararamdaman sa pagtatapos ng kanilang anak lalo na noong naroroon na sila mismo sa graduation rights nito.
Magugunita na binigyan din ng pagkilala ng provincial government si Zamora at kapwa nito nagtapos sa Philippine Army mula sa lalawigan ng Pangasinan, habang nagbigay din ng pagkilala rito ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Urdaneta.
Samantala, nakatakda namang magtungo si Zamora sa Bulacan para sa panibagong yugto ng pagsasanay na tatagal naman ng dalawang buwan.