Hustisya ang sigaw ng mga kaanak ng isang OFW na taga Mangaldan, Pangasinan na pinatay sa Saudi Arabia at tinanggalan pa ng mga mata at lamang loob.

Hindi matanggap ng kanyang pamilya ang sinapit ng 39 anyos na si Limuel Lansangan, OFW sa Saudi Arabia at residente ng barangay Anolid.

Dumating ang mga labi nito sa kanilang bahay sa Mangaldan, Pangasinan noong Abril 3.

--Ads--

Nabatid na December 8, 2018 nang patayin umano ang biktima ng hindi pa kilalang suspek sa Saudi Arabia.

Naging masaklap ang sinapit nito dahil tinanggalan pa ng mga mata at lamang loob. Puno rin ng pasa si Lansangan na palatandaan na pinahirapan pa ito bago pinatay.

Pitung taon na nagtrabaho bilang master baker ang biktima sa Saudi Arabia.

Nananawagan ang kaanak ni Lansangan kay pangulong Rodrigo Duterte na tulongan sila na makamit ang hustisya at para malaman kung sino ang responsable sa pagpatay sa biktima.

Nais nilang magkaroon ng komunikasyon sa mismong employer ni Limuel para tumulong sa isasagawang imbestigasyon.

Sa ngayon ay nakikipag ugnayan ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA sa Department of Foreign Affairs para sa kaukulang imbestigasyon.