DAGUPAN, CITY—- Kinondena ng pamilya ng isang Lupon member ang planadong pagpaslang sa biktima matapos pagbabarilin ng hindi pa natutukoy ng mga suspek sa Sitio Pinalapa, Dumpay sa bayan ng Basista.
Ayon kay PCpt. Arturo Melchor Jr., COP ng Basista MPS, ang biktima na kinilalang si Fernando Rosario na residente ng Barangay Buenglat, San Carlos City na isang Lupon member o tagapamayapa sa kanilang barangay na may katungkulang mag-ayos ng mga away o simpleng problema sa nasasakupang barangay.
Maliban pa dito ang biktima ay isang tricycle driver ang 56 anyos na biktima.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Basista PNP, inarkela ng isang pasahero na isa sa tinatayang 4 na di pa nakikilalang suspek ang naturang biktima mula sa isang mall sa San Carlos City papunta sa bayan ng Basista.
Pagdating sa boundary ng Basista-Malasiqui-San Carlos City, doon na pinagbabaril ang biktima.
Nabatid ng hepe na planado ang pamamaril dahil batay sa mga saksi sa krimen, mayroong naghihintay na 4 wheel vehicle na itinago sa manggahan na ginamit ng mga suspek bilang getaway vehicle na tumutugma naman sa mga nakalap na CCTV footage at nakapagsagawa na rin ng backtracking ang kapulisan sa mga dinaanan ng mga suspek. (with reports from: Bombo Everly Rico)