Umaasa ang mga pamilya ng biktima na magkakaroon ng kumpirmasyon sa mga kasong isinampa laban kay dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Rubylin Litao, Coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, sa nakalipas na pagdinig, naniniwala ang grupo na pabor ang ICC sa panig ng prosecution, na kumakatawan sa mga pamilya ng biktima.

Kaya umaasa ang mga ito na makukumpirma ang charges, kahit na ang desisyon ay ilalabas pa sa loob ng 60 araw.

--Ads--

Dagdag pa ni Litao, bagama’t hindi nagpakita si Duterte sa pagdinig, hindi ito nakaapekto sa presentasyon ng prosecution para sa confirmation of charges.

Ayon sa kanya, malinaw na ang depensa ay naglalayong ilihis ang usapin at nakakaapekto sa publiko sa social media.

Nagpasalamat din si Litao sa mga kaibigan, organisasyon, at simbahan na tumulong upang makadalo ang mga pamilya sa pagdinig.

Ipinaalala rin niya sa publiko na may mga paraan upang masubaybayan ang hearing kahit hindi personal na makakadalo.

Saad niya mahalaga na malaman ang kaganapan, lalo na ang mga nasa Pilipinas na hindi nakapanood nang live.

Samantala, patuloy ang suporta at pakikibahagi ng mga pamilya ng biktima sa proseso upang masiguro ang kanilang karapatan sa hustisya.