Labis ang galak at emosyon na naramdaman ng pamilya at ng fiancé ni Sherra De Juan matapos siyang matagpuang ligtas sa Sison, Pangasinan, makalipas ang halos tatlong linggong pagkawala.

Ayon sa kanyang kapatid na si Daren De Juan at sa kanyang fiancé na si Mark Arjay Reyes, hindi pa rin ganap na maipaliwanag ang kanilang nararamdaman dahil sa halo-halong pagod, kaba, at matinding tuwa.

Ibinahagi ng pamilya na dumating ang unang senyales ng kinaroroonan ni Sherra matapos siyang makatawag sa kanyang cellphone sa bahay bandang alas-nwebe y medya ng umaga.

--Ads--

Bagama’t panandalian lamang ang tawag at bigla ring naputol ang linya, nakilala agad ang kanyang boses. Dahil dito, agad na humiram ng telepono ang kanyang fiancé at muling tumawag hanggang sa marinig na ni Sherra ang tinig ng kanyang mga mahal sa buhay.

Dahil sa labis na emosyon, agad na humingi ng tulong ang pamilya sa mga awtoridad at nagtungo sa himpilan ng pulisya upang i-report ang pangyayari.

Sa mga unang sandali, limitado lamang ang naibahaging impormasyon ni Sherra, tanging ang kanyang pag-alis at ang pagtulong ng isang indibidwal ang kanyang nabanggit. Gayunman, maraming detalye ang hindi pa malinaw at patuloy pang sinisiyasat ng pulisya.

Ayon sa pamilya, may ilang lugar lamang na naaalala ni Sherra na kanyang napuntahan, kabilang ang mga dinaanan niya habang naglalakad. Hindi niya matukoy ang eksaktong petsa ng mga pangyayari at tanging umaga at gabi lamang ang kanyang naaalala.

Lumalabas sa paunang impormasyon na nanatili lamang siya sa loob ng Pangasinan sa buong panahon ng kanyang pagkawala.

Samantala, kinumpirma rin ng pamilya na ang taong tinakbuhan ni Sherra upang humingi ng tulong ay nakilala at nakausap na rin ng mga awtoridad.

Anila, bagama’t may mga tanong na hindi pa nasasagot, ang pinakamahalaga ay ang kanyang kaligtasan. Ang iba pang detalye hinggil sa insidente ay patuloy pang inaalam ng pulisya at inaasahang ilalabas sa tamang panahon.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang linawin ang buong pangyayari.