DAGUPAN CITY — Nananatili pa rin ang panawagan ng sektor ng mga manggagawa na taasan ang minimum wage.
Ito ang naging pahayag ng Kilusang mayo Uno Chairman Elmer Labog kasunod ng anunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri na pagtataas ng minimum wage sa hanay ng pribadong sektor.


Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na sana ay marinig ng Senate President ang kanilang paninindigan at panawagan na magkaroon ng kagyat na pagtaas sa sahod ng mga manggagagawa hindi lamang ng mga nasa pribadong sektor kundi sa gobyerno lalo na kung isasaalang-alang ang umiiral na inflation rate sa bansa kung saan ang dating 8.1 % noong nakaraang taon ay umakyat sa 8.7% ngayong 2023.

--Ads--


Binigyang-diin pa ni Labog na bagamat pare-pareho ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay nananatili namang mababa at maliit ang sahod ng mga manggagawang Pilipino, lalo pa sa mga probinsya na mas mababa pa sa P500 kada araw ang kinikita kumpara sa mga nasa lungsod.


Maliban pa dito ay iginiit naman ni Labog na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga panukala na ipinapasa sa Kongreso. Aniya na mayroon nang mga inihahain na mga Bills sa Lower House hinggil sa kagyat na pagtataas ng sahod ng mga manggagawa na dapat ay umaabot sa tinatawag na “Family Living Wage” o katumbas ng P1,161 kada araw ang kinikita ng isang manggagawa upang mapakain at mabuhay ang kanyang pamilya na kadalasan ay mayroong 5 miyembro.


Saad ni Labog na malaki ang kaibahan nito sa nominal na P570 na kung titignang mabuti ay katumbas lamang ng P494 kung ang pagbabatayan aniya ay ang tunay na halaga ng piso noong taong 2018. Dagdag pa niya na walang patumangga ang pagtaas ng mga bilihin at presyo ng produktong petrolyo na mga salik naman na dapat ikonsidera sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.



Kaugnay nito ay iginiit din ni labog na kinakailangan nang ipantay ang sinasahod ng manggagawa sa ibang mga rehiyon sa sinasahod ng mga manggagawa sa National Capital Region, sapagkat kung susuriin ay halos nagpapantay-pantay na rin ang cost of living subalit ang epekto ng wage rationalization law sa ilalim ng Republic Act 6727 ay taliwas sa pinaniniwalaan na habang lumalayo sa Metro Manila ay mas bumababa din ang cost of living.


Kung tutuusin ani Labog na dahil ibninabyahe rin sa mga probinsya ang ilang mga produkto ay mas lalo pang tumataas ang mga presyo ng mga ito na hindi naman makatarungan sapagkat mas maliit din ang sinasahod ng mga manggagawa sa mga rehiyon.


Kaya naman panawagan ng kanilang hanay na magkaroon ng pambansang minimun na sahod para sa lahat ng manggagawa na katapat ng sinasahod ng mga nasa Metro Manila. Giit ni Labog na kailangan ng isang halaga na magaahon sa Family Living Wage na nakatakda sa P1,161/araw at kung anuman ang kakulangan existing wage levels ay iyon dapat ang kinakailangang idagdag na halaga upang makamtan ang Family Living Wage.


Idiniin pa nito na kinakailangan nang tapusin ang epekto ng RA 6727 na nagpapanatiling nakaasa sa regional wage board at hindi sa pagkakaroon ng pantay at patas na minimum wage levels sa mga manggagawa ng bansa.