BOMBO DAGUPAN- Napakababa umano ng pamantayan ng gobyerno upang sabihin makakamit ang single-digit poverty incidence sa 2028.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, naging pamantayan ng gobyerno upang makuha ang bilang ng poryento ng mahihirap ay ang pagtakda ng poverty threshold na P91 kung saan kabilang dito ang P63 pesos para hindi mapabilang sa food poor.

Giit niya na masyadong mababa ang pamantayan ng gobyerno para ipagmalaki nila ang pagbaba ng kahirapan sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

--Ads--

Madali lamang umano ito maabot kung ang basehan ay ang nasabing pamantayan dahil kakailanganin lamang ng gobyerno na gawin ay ang gastusan ito ng ayuda.

Subalit, matatago lamang sa istatistika ang tunay na bilang ng mga mahihirap.

Kinukwestyon naman niya ang paahayag ng Department of Social Welfare and Development sa pagkakaroon ng “whole-of-government approach” dahil bumagsak naman sa pinakamaliit ang agrikultura ng bansa sa buoang kasaysayan.

Kaugnay nito, humigit-kumulang 8% nalang ang agrikultura sa ekonomiya ngayon kumpara sa nakaraang dekada.

Lumalaki din aniya ang budget ng 4P’s dahil patunay din ito sa kabiguan ng nasabing “whole-of-government approach.”

Ayon kay Africa, ang nararapat na pamantayan ay ang pagkakaroon ng regular na trabaho sa isang pamilya na may sapat na kinikita para sa pang araw-araw.

Dahil sa tumataas na inflation, hindi aniya nakakapagsabayan ang mga kinikita ng mga may trabaho.

Samantala, hindi naman umano makatwiran ang hindi pantay-pantay na bilihin sa iba’t ibang panig ng Pilipinas upang hindi itaas ang sahod sa ilang lugar.