Dagupan City – Tiniyak ng PAMANA Water Dagupan City sa mga residente na walang dagdag-singil sa tubig sa kabila ng isinasagawang rehabilitasyon at pagpapalit ng mga lumang tubo sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Ayon kay Glenn I. Gomez, Branch Manager ng PAMANA Water Dagupan City, kinakailangan ang mga pagsasaayos upang mapabuti ang serbisyo, magbigay ng maayos na suplay ng tubig, at maiwasan ang mga pagtagas.
Gayunpaman, hindi ito magiging dahilan para taasan ang presyo ng tubig sa kasalukuyan.
Saad nito na sa kabila ng mga nagagastos sa mga proyekto ay hindi pa nila kailangan magtaas ng singil.
Ngunit aniya kung makita na gumaganda na ang serbisyo at nahahatiran ng maayos na tubig ang buong lungsod, maaaring sa mga susunod na panahon ay magkaroon na ng pagtaas.
Idinagdag pa niya na hangga’t may mga pasilidad at imprastraktura sa lungsod na nangangailangan ng malinis na suplay ng tubig, patuloy ang kanilang expansion at pagsasaayos sa mga tubo upang maabot ang serbisyo sa lahat ng consumers.
Samantala, ibinahagi naman nitoa na ang mga pangunahing problema na kinakaharap ng PAMANA Water Dagupan City ay ang pagbaha at mga kalamidad na nakakaapekto sa suplay ng kuryente na nagpapagana dito o mga pagkasira ng mga tubo ngunit binanggit ni Gomez na agad nilang tinutugunan ang mga problemang ito dahil may mga generator naman sila sa mga pumping station upang hindi magtagal ang pagkawala ng tubig at upang patuloy na makapagbigay ng malinis na suplay sa mga kabahayan.