Mariing kinondina ng National Union of Journalists of the Philippines O NUJP ang pamamaslang sa radio commentator sa lalawigan ng Pangasinan na si Virgilio Maganes, 62 anyos at residente ng Brgy San Blast sa bayan ng Villasis, dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay NUJP chairman Nonoy Espina, nakakagalit at nakakabahala umano ang nangyari kay Maganes.
Giit niya na hindi makatarungan ang pagpatay sa biktima.
Hindi pa aniya nareresolba ang tangkang pagpaslang sa biktima noong 2016 nang ito ay dati na ring dumanas ng pamamaril at pagsasangkot sakaniya sa droga ay nasundan pa ito ngayon kung saan hindi na ito nakaligtas pa.
Naniniwala rin si Espina na planado ang pagpatay kay Maganes.
Nauna rito pinagbabaril ang biktima ng dalawang suspek sa harapan ng kaniyang tahanan kung saan nakasakay ang mga ito sa itim na motorsiklo, nakasuot ng itim na jacket at helmet.
Anim na tama ng bala ng baril ang ang tinamo nito sa bahagi ng kaniyang ulo at iba pang parte ng kaniyang katawan na tuluyan tumapos sa kanyang buhay.
Sa pagsasalaysay ng kaniyang pamangkin ay lumabas lamang umano si Maganes upang bumili sa tindahan at nang ito ay pauwi na ay saka na ito pinagbabaril na agaran naman niyang ikinasawi.
Sa ngayon ay magsasagawa ng special investigation ang Villasis PNP sa naturang insidente.
Matatandaang taong 2016 nang ito ay dati na ring dumanas ng pamamaril at magpahanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ang mastermind.




