Posibleng target si US President Donald Trump sa naganap na pamamaril sa White House Correspondents’ Dinner, ayon sa pahayag ng acting US attorney general.

Ayon kay Todd Blanche, batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na tinatarget ng suspek ang mga miyembro ng administrasyon ni Trump.

Gayunman, binigyang-diin niyang “preliminary” pa lamang ang mga natuklasan at patuloy pa ang imbestigasyon.

--Ads--

Kinilala ng mga ulat sa US media ang suspek bilang si Cole Tomas Allen, 31 taong gulang at residente ng Torrance, California.

Ayon kay Blanche, hindi umano nakikipagtulungan ang suspek sa mga awtoridad habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Mas maaga naman dito, sinabi ng pulisya na nananatiling hindi pa tiyak ang motibo ng suspek. Kasalukuyan ding hinahalughog ng mga awtoridad ang isang address sa Torrance na pinaniniwalaang may kaugnayan sa pinaghihinalaang gunman.

Bandang 8:35 ng gabi (Eastern Time), o 1:35 ng madaling araw (BST), nakarinig ng mga putok ng baril sa naturang event na dinaluhan ng ilang matataas na opisyal ng gobyerno at mga mamamahayag.

Nagdulot ito ng tensyon at agarang paglikas ng mga dumalo habang rumesponde ang mga awtoridad sa insidente.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang buong pangyayari, kabilang ang eksaktong target at motibo ng suspek, habang inaasahang ilalabas ang karagdagang detalye sa mga susunod na oras.