DAGUPAN CITY- Umalingawngaw ang putok ng baril sa kahabaan ng isang kalsada sa bayan ng San Quintin ng madaling araw nitong nakaraang araw matapos pagbabarilin ang tatlong sakay ng isang SUV, na nagresulta sa pagkamatay ng isang lalaki at pagkasugat ng isa pa.

Kinumpirma ni PCapt. Esteban Fernandez III, hepe ng San Quintin PNP, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang isang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Isa pang biktima ang isinailalim sa operasyon at kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital.

--Ads--

Samantala, nakaligtas at hindi nasaktan ang ikatlong sakay ng sasakyan.

Napag-alamang hindi mga residente ng San Quintin ang dalawang biktima; mula sila sa Nueva Ecija, habang pansamantalang naninirahan sa San Quintin ang isa.

Batay sa mga imbestigasyon at salaysay ng mga saksi, tinatahak ng grupo ng mga biktima ang kalsada sakay ng SUV nang mapansin nilang sinusundan sila ng isa pang sasakyan

Kalaunan ay hinarang sila ng isang pickup at nagkaroon ng mainitang sagutan sa pagitan ng dalawang panig.

Dito na nagsimula ang putukan na nauwi sa pamamaril sa mga biktima.

Agad nakapagresponde ang mga pulis sa insidente dahil nakatalaga ang mga tauhan sa kani-kanilang mga lugar.

Sa kasalukuyan, hindi pa naaaresto ang mga suspek.

Bilang tugon, naglunsad ng fixed checkpoint ang mga awtoridad na nagsisilbi ring drugnet operation.

Inalarma rin ang buong 6th District upang paigtingin ang seguridad at matukoy ang posibleng kinaroroonan ng mga suspek.

May itinuturing nang person of interest na ngayon ay isinasailalim sa malalimang imbestigasyon upang matukoy kung may kaugnayan ang insidente sa darating na halalan.