Hindi inaasahan ng security forces ng Japan ang nangyaring pamamaril sa dati nilang Prime Minister na si Shinzo Abe.
Ayon kay Bombo International Correspondent Hannah Galvez, walang nagduda o naghinala man lang sa naganap na pagpaslang sa dating PM dahil kilalang mapayapa at walang naitatalang mga ganitong insidente sa Nara region.
Aniya, wala rin sa plano ang pagpunta ni Abe sa naturang lugar dahil sa raw na iyon ang nakatakda sana niyang daluhan na campaign destination ay sa bahagi ng Nagano o ang gitnang bahagi ng Japan.
Ngunit, ang Nara region umano ay isang strategic location na mangampanya dahil isa itong hub ng mga tao ngunit ganoon naman umano ang sinapit ng naturang dating lider.
Kaya naman matapos ang nasabing insidente agad na pinulong ng kasalukuyang Prime Minister na si Fumio Kishida ang kanilang mga security forces na mas pag-igtingin ngayon ang seguridad para sa mga politiko sa kanilang bansa.
Matatandaang si Abe ay dalawang beses na nagsilbing prime minister at siya rin ang pinakabatang nahalal at pinakamahabang nanilbihan sa nasabing pwesto.