Ilang ahensiya ng pulisiya ang patuloy na nagsasagawa ng inbestigasyon sa nangyaring pamamaril sa New Jersey na nag-iwan ng dalawang kataong patay at 12 sugatan.

Hindi pa isinisiwalat ang pangalan ng mga biktima ngunit ang isa ay edad 30-anyos na lalaki habang 25-anyos na babae naman ang isa pang nasawi.

Isa sa mga nasugatan ay nasa kritikal na kondisyon.

--Ads--

Lahat naman ng mga nadamay sa insidente ay pawang mga adulto.

Ayon sa mga kapulisan ng Cumberland County, nangyari ang insidente sa isang house party sa East Commerce Street sa Fairfield Township.

Ayon naman sa ulat ni Bombo Radyo Dagupan International News Correspondent Estela Fullerton mula sa Montana, USA, batay sa ilang mga residente sa naturang lugar, nagsimula umano ang kaguluhan nang ilan sa mga kapitbahay ng nagdaos ng party ang nagpunta roon.

Binigyang diin naman nito na sa ngayon ay wala namang indikasyon na mayroong mga asyanong pinuntirya sa nasambit na pangyayari.

Samantala, ayon naman sa ilang kapulisan, ilan sa mga sugatang biktima ay dinala sa ospital ng medics, habang ang iba ay isinugod na lamang ang kanilang sarili sa pagamutan.

Sa kasalukuyan ay hindi pa rin tukoy ng pulisiya ang mga nasa likod ng pamamaril.

Tinig ni BINC Estela FUllerton