Dagupan City – Maagap na tinututukan ng Provincial Health Office (PHO) ng Pangasinan ang pamamahagi ng gamot na prophylaxis doxycycline sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng kamakailang pagbaha dahil sa epektong dulot ng deritsong pag-ulan.

Layunin ng hakbang na ito na matulungan ang mga indibidwal na lumulusong sa baha na maiwasan ang pagkalat ng sakit na leptospirosis dahil nauuso ngayon ito kapag mga ganitong sitwasyon.

Ayon kay Dr. Ma. Vivian Espino ang Officer in charge ng nasabing opisina na sa utos ng gobernador at tulong ng Department of Health Region 1 ay patuloy ang pagsusumikap ng tanggapan upang matiyak na makarating ang gamot sa mga nangangailangan.

--Ads--

Kasalukuyan ding nagpapatuloy ang procurement ng karagdagang supply upang masiguro ang sapat na gamot para sa lahat ng apektadong residente dahil maraming bayan at lungsod ang nalubog sa baha.

Bukod sa pamamahagi ng doxycycline, nagsasagawa rin ang PHO ng mga health education campaigns upang turuan ang publiko sa tamang pag-iingat at paglilinis upang maiwasan ang sakit.

Pinaaalalahanan din nila ang publiko na huwag basta-basta uminom ng gamot na ito dahil kung mali ang pag-inom posibleng mawalan ito ng bisa panlaban sa mga mikrobyo na magreresulta ng pahirapang paggamot kaya dapat muna ipakonsulta o magtanong sa mga health expert.

Ipinagbabawal ding inumin ang nasabing gamot sa mga buntis at 12 taong gulang pababa kaya maaring magpakonsulta na muna sa health centers kung may nararamdamang sintomas ang mga nabanggit na indibidwal para sa tamang gamutan.