Dagupan City – Nanindigan ang Pamalakaya na hindi solusyon ang importasyon ng isda at marine products dahil sapat naman ang produksyon sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando Hicap, Chairperson ng Pamalakaya, sinabi nito na habang ang gobyerno ay ginagawang pangunahing susi ang pag-aangkat ng isda, maraming mangingisda naman ang nababahala na mawalan ng kabuhayan.
Kung saan isa aniya sa mga pangunahing sanhi ng problema ay ang hakbang ng Department of Agriculture, sa pangunguna ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., dahil sa ginawa nitong hakbang na mag-apruba ng importasyon ng 25,000 metric tons ng mga produktong isda at seafood para sa susunod na buwan.
Ani Hicap, malinaw na ang hakbang na ito ni Laurel ay makakasira sa mga lokal na mangingisda at sa ating sariling produksiyon. Dahil aniya, ang pagtutok sa pag-aangkat ay nagiging sanhi ng pagkawala ng maraming trabaho sa sektor ng pangisdaan.
Dito muling binigyang diin niya na mahalaga na bigyang prioridad ang lokal na produksyon kaysa mag-import ng isda mula sa ibang bansa, lalo na’t mayaman naman ang Pilipinas sa mga yamang dagat.
Tinutukoy din ni Hicap ang mga problema sa sektor ng aqua culture at ang pagbaba ng produksyon mula 55% na dating bahagi ng total production, ngayon ay nasa 22% na lamang. Ayon pa sa kanya, dapat ay magkaroon ng mga programa at reporma ang pamahalaan na magpapalakas sa lokal na industriya at matutok sa pagpapabuti ng kondisyon ng mga mangingisda.
Kung titingnan kasi aniya, umangkat ang bansa sa China ng isda na mula mismo sa sariling karagatan sa West Philippine Sea.
Kung kaya’t kailanman man aniya hindi dapat importasyon ang ginagawang solusyon sa kakulangan ng suplay, dahil marami naman tayong alternatibo sa shortage ng galunggong at iba pang isda.
Aniya, pahiwatig lamang ito na mas dapat na tutukan ang ating lokal na produksyon at suportahan ang mga mangingisda sa bansa.
Samantala, nanawagan naman si Hicap na itigil na ang pagsasamantala ng mga traders na nagtataas ng presyo nang sa gayon ay mapababa rin ito sa merkado.