Pinangunahan ni Pangasinan Governor Ramon “Mon Mon” Guico III kasama si Vice Governor Mark Ronald Lambino ang ceremonial harvesting ng asin na isinagawa sa Pangasinan Salt Center sa Barangay Zaragoza, sa bayan ng Bolinao.

Sa naging pahayag ng gobernador, umaasa ang pamahalaang panlalawigan na magkakaroon ng mga positibong resulta ang eksperimento nilang ito upang mapaunlad pa ang produksyon ng asin sa lalawigan.

Aniya, magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan panlalawigan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement (MOA).

--Ads--

Nasa interim management strategy aniya ang lalawigan para sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng salt farm bilang tugon na rin sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maresolba ang krisis sa asin sa bansa.

Kaugnay nito, pinasalamatan din ng naturang gobernador ang kooperasyon ng ilang national leaders gayundin ang mga lokal na pamahalaan ng lalawigan.

Upang mapanatili ang produksyon ng asin, kinakailangan pa aniya nilang magsagawa ng pag-aaral upang malaman kung ilang tao ba ang kanilang kinakailangang i-employ, anong klaseng pagsasaayos ang kanilang gagawin upang magkaroon ng maayos na palitan ng bayad sa mga farmer families ng salt farm.

Binigyang kilala rin ng gobernador ang kahusayan ng assistant provincial agriculturist na si Nestor Batalla dahil sa maayos na pamamahala nito sa unang cycle ng produksyon ng asin mula Nobyembre hanggang Disyembre ngayong taon.

Sa ngayon ay humiling muna ito ng P20 milyong bilang paunang pondong kakailanganin sa pagbili ng plastic sheets at water pumps na aprubado naman ng kanilang Finance team.

Samantala, binigyang diin ng gobernador na ang pinakaimportante sa lahat ay ang makuhang muli ng Pangasinan ang pamamahala ng salt farm na nakaangkla sa pagkakakilanlan ng lalawigan na siyang pangunahing producer ng asin sa bansa.