DAGUPAN CITY- Planong magpatayo pa ng karagdagang mga campus ng Pangasinan Polytechnic Colleges o PPC sa ilang bahagi ng probinsya ayon sa Lokal na Pamahalaan ng Pangasinan.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, ang chairman ng Committee on Education sa Sangguniang Panlalawigan, pinaghahandaan na ng PPC ang posibleng maging hakbang at pag-aaral sa mga nasabing kolehiyo.

Aniya, nagbigay ng instruction si Pangasinan Gov. Ramon “Monmon” Guico na maaaring maitayo ang nasabing paaralan sa tatlong magkakaibang bahagi ng probinsya, tulad ng eastern campus sa Umingan, sa Western Campus ay sa Alaminos at ang natitirang isa pa ay maaaring maitayo sa San Carlos City.

--Ads--

Maaari ring magkaroon ng mga karagdagang kurso sa mga nasabing paaralan, depende sa takbo ng academic demand.

Sa ngayon ay magsasagawa pa ng ilang mga pag-aaral sa mga posibleng maging hakbang ng pamahalaang lalawigan upang mas maging maayos at makatulong ang mga nasabing proyekto sa mga mamamayan, lalong-lalo na sa mga kabataan ng probinsya.

Samantala, naging maayos naman ang naging takbo ng pamamahala sa naunang campus kung saan sinasabing kaya pang dagdagan ang kapasidad ng PPC.

Nilinaw din ni Lambino, na hindi isasagad ang kapasidad ng paaralan upang hindi malagay sa alanganin ang sitwasyon ng mga mag-aaral lalong lalo na ang susunod na mga enrolees.

Matatandaan na binuksan ang Pangasinan Polytechnic College (PPC) Center for Lifelong Learning (CeLL) noong Pebrero ngayong taon na isang landmark project sa administrasyon ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico  III.