DAGUPAN CITY – Pinag-aaralan na ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagbuo ng isang violation receipt system na magbibigay ng kapangyarihan sa probinsya ng Pangasinan.
Ayon kay Vice Governor Mark Ronald Lambino, ang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan, hindi lamang sa mga local na pamahalaan ng bayan at syudad ang may kapangyarihan na mag-isyu ng citation tickets kundi pati na rin ang Kapitolyo para sa iba’t ibang paglabag sa mga provincial ordinance, kabilang na ang mga traffic violations sa lalawigan.
Ipinanawagan din ni Lambino ang muling paghihigpit sa pagpapatupad ng Reflective Vest Ordinance na nag-aatas sa mga drayber at pasahero ng motorsiklo, traysikel, at iba pang katulad na sasakyan na magsuot ng high-visibility reflective vest o maliwanag na kulay ng kasuotan tuwing bumibiyahe sa mga kalsada ng Pangasinan mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Ito ay matapos kakitaan ng pagluwag sa pagpapatupad nitong mga nakaraang buwan dahil sa panahon ng halalan at kakulangan ng citation tickets.
Matatandaan na ang ordinansa ay na inaprubahan noong Hulyo 1, 2024 at sinimulang ipatupad noong Agosto 1, ay nilikha upang mabawasan ang mga aksidente sa kalsada tuwing gabi sa pamamagitan ng pagpapabuti sa visibility ng mga motorista.
May ipapataw na multa sa mga lalabag na kung saan warning o babala para sa unang paglabag at maaaring umabot sa ₱5,000 multa o hanggang isang taong pagkakakulong sa ika-apat na paglabag, depende sa hatol ng korte.
Binigyang-diin ni Lambino na kinakailangang tiyakin ng Kapitolyo na maayos at mahigpit ang pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang aksidente o pagkawala ng buhay.