Dagupan City – Inihayag ni Governor Ramon Mon Mon Guico III ang mga plano ng kanilang administrasyon upang matugunan ang mga epekto ng kalamidad sa lalawigan ng Pangasinan sa isang situational briefing ng pamahalaang panlalawigan kasama ang mga gabinete ng iba’t-ibang ahensya mula sa National Government.
Tinalakay rin sa briefing ang mga konkretong solusyon upang maiwasan ang mga posibleng epekto sakali mang makaranas muli ng bagyo.
Ayon kay Governor Guico, Isa sa mga napagusapan ay ang long-term solusyon tulad ng relocation ng mga lugar na madalas naaapektuhan ng mataas na pagbaha.
Dagdag niya, bagamat hindi magiging madali ang implementasyon nito, bukas naman sila sa iba pang mga paraan upang maprotektahan ang mga residente laban sa mga sakuna.
Kasama rin sa mga planong inilatag ang agarang paglilinis sa mga kalsada at paaralan na naapektuhan ng bagyo. Tiniyak ni Guico na handa ang mga kagamitan mula sa Provincial Government, pati na ang mga suporta mula sa mga ahensya ng pambansang gobyerno tulad ng DPWH, upang magamit sa mabilis na pag-aayos ng mga nasirang imprastruktura.
Samantala, bagamat maraming lugar sa Pangasinan ang tinamaan ng malupit na bagyo na sinabayan pa ng high tide at storm surge, pinuri ng gobernador ang mabilis at maayos na implementasyon ng pre-emptive at forced evacuation ng mga lokal na disaster risk reduction and management offices (LDRRMO).
Lalo na sa mga coastal areas,kung saan ang koordinasyon ng mga Pangasinense ay nagresulta sa “zero casualty” matapos ang bagyo.










