Dagupan City – Personal na nagpaabot ng pakikiramay at tulong si Gov. Ramon “Monmon” Guico III sa pamilya ni Mary Ann De Vera, ang Pilipinang OFW na nasawi sa kaguluhan sa Israel.

Sa kanyang pagbisita sa burol sa Barangay Poblacion sa bayan ng Basista, tiniyak ng gobernador na inaaksyunan ang mga pangangailangan ng pamilya.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbisita ni Israeli Ambassador Dana Kursh, na nagpapakita ng pagdamay at suporta sa pamilya De Vera.

--Ads--

Ibinahagi rin ng gobernador na naibigay na nila ang paunang tulong pinansiyal sa pamilya.

Bukod pa rito, tutulungan din ang asawa ng nasawing OFW lalo na sa kanyang trabaho o kung babalik pa sa ibang bansa para magtrabaho.

Kaugnay nito, nagpaabot ng panawagan si Gov. Guico sa mga OFW, lalo na sa mga nasa conflict areas sa gitnang silangan.

Hinikayat niya ang mga ito na makipag-ugnayan sa mga embahada ng Pilipinas upang malaman ang mga programang tulong at repatriation.

Saad pa ng opisyal na mayroon nang mahigit 30 Pangasinense sa Israel o nasa conflict areas na nagpahayag ng kanilang kagustuhang umuwi.

Sinisikap ng pamahalaang panlalawigan na makalap ang eksaktong bilang ng mga OFW na nasa mga conflict areas upang maayos na maiparating ang tulong na kinakailangan.

Samantala, siniguro ng Basista Municipal Police Station ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa burol ni Mary Ann Devera hanggang sa mailibing ito.

Pangunahing layunin ng kapulisan na igalang ang kahilingan ng pamilya na mapanatili ang kanilang privacy, lalo na sa media at mga vloggers.

Ayon kay Pmaj. Brylle Dave Dong-oc, bagama’t hindi pa tiyak kung gaano katagal ang burol, tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang pagbabantay alinsunod sa kanilang direktiba.

May mga pulis na nakatalaga sa loob at labas ng gate upang pigilan ang sinumang walang pahintulot na makapasok, lalo na ang mga nais kumuha ng video o litrato.

Binigyang-diin naman ng opisyal na ang pangunahing layunin ng kanilang paghihigpit ay upang maipatupad ang hiling ng pamilya na walang anumang “coverage” na lalabas sa social media lalo na sa magiging libing na naglalayong protektahan ang pamilya sa dagdag na stress at bigyan sila ng kapayapaan ng isip sa kanilang pagdadalamhati.

Nanawagan siya sa publiko na igalang ang hiling ng pamilya at hayaan silang magluksa nang tahimik at payapa.