Dagupan City – Nagbigay ng mahigpit na babala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan laban sa patuloy na pagdami ng mga prank caller sa Pangasinan 911, kasabay ng pagpapatupad ng Provincial Ordinance No. 369-2025 o ang Anti-Prank Callers Ordinance.
Ayon sa Sangguniang Panlalawigan, layon ng ordinansa na protektahan ang integridad ng emergency response system at matiyak na ang mga linya ng Pangasinan 911 ay nananatiling bukas para sa mga tunay na emergency.
Sa ilalim ng ordinansa, ipinagbabawal at may kaukulang parusa ang mga sumusunod na gawain: pagbabanta, panggagaya o panlilinlang, prank calls o pag-uulat ng pekeng emergency, paggamit ng mga salitang bastos o pagmumura, at paulit-ulit na pagtawag na nagdudulot lamang ng istorbo.
Binigyang-diin ng LGU na ang mga prank call ay hindi simpleng biro lamang, kundi seryosong paglabag na maaaring magdulot ng pagkaantala sa agarang pagtugon sa mga insidenteng may banta sa buhay at ari-arian.
Anila, bawat maling tawag ay nag-aaksaya ng oras at limitadong rekurso na dapat sana’y napupunta sa mga nangangailangan ng agarang tulong.
Nanawagan ang Pamahalaang Panlalawigan sa publiko na igalang at gamitin nang tama ang Pangasinan 911, at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa lalawigan.
Paalala ng LGU, mananagot sa ilalim ng batas ang sinumang lalabag sa ordinansa.










