Dagupan City – Mas paiigtingin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang pagpapalakas sa produksyon ng asin kaugnay sa pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na Philippine Salt Industry Development Act.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, mapapansin kasi na 90% ng asin sa bansa ay nagmumula na sa importasyon, kung kaya’t mas maganda sana kung unti-unti ay mapababa ang datos nito.

Aniya, ang Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN LAW) o ang Republic Act 8172 ay mahalaga sa bansa, partikular na sa lalawigan dahil dito kinuha ang pangalang Pang-ASIN-an.

--Ads--

Sa ilalim naman ng panukalang ito, ang 5 yrs modernization plan ay may layuning bigyang mas maayos at mas pinalawak na salt industry ang bansa katuwang ang Department of Trade and Industry sa Salt Council habang ang mga kinatawan naman sa mga kooperatiba ay pipiliin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) mula sa limang nominasyon sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Layunin ng panukala na mapalakas at muling buhayin ang industriya ng asin, mailarga ang pag-unlad sa mga kanayunan at mapalakas ang kita ng mga maliliit na negosyo.

Nakikitaan naman ito na makapag-bibigay ng angkop na teknolohiya ang gobyerno sa mga gumagawa ng asin, kasama na rito ang pinansiyal, produksiyon, marketing at iba pang tulong upang maiangat ang industriya ng asin sa bansa.

Samantala, ayon kay Lambino maganda ang inilabas kamakailan ng pamahalaan kung saan ay pumirma na rin ang pangulo sa Anti “No permit, no exam policy” dahil karapatan ito ng mga kabataan at sensyales ito ng pagbubukas ng pantay na trato sa publiko.