Dagupan City – Mas pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang kahandaan nito sa mga posibleng malawakang kalamidad sa pamamagitan ng pagpasok sa Memorandum of Agreement (MOA) sa sampung pribadong kumpanya at mga ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, regular na isinasagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagpirma sa mga ganitong kasunduan kada ilang taon bilang bahagi ng paghahanda ng lalawigan sa mga posibleng sakuna.

Layunin ng kasunduan na matiyak ang agarang suplay ng mga pangunahing pangangailangan at mapabilis ang pagtugon sakaling magkaroon ng mass casualty incident dulot ng lindol, tsunami, pagbaha, at iba pang sakuna sa lalawigan.

--Ads--

Kabilang sa mga magiging katuwang ng pamahalaang panlalawigan ang mga gasoline station, grocery store, iba pang service providers, at ang National Food Authority (NFA), na magsisilbing karagdagang suporta sa suplay ng mga pangunahing pangangailangan at information dissemination sa panahon ng emergency.

Binigyang-diin ng bise gobernador na pangunahing layunin ng kasunduan ang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng first-response services, transportasyon, komunikasyon, pagkain, malinis na tubig, at iba pang mahahalagang serbisyo para sa mga Pangasinense sa oras ng kalamidad.