Tiniyak ni Pangasinan Governor Ramon “Mon-mon” Guico III ang pagpapatuloy ng dredging at paglilinis ng mga ilog sa mga lugar na madalas bahain sa lalawigan upang mapabilis ang pagdaloy at paghupa ng tubig-baha.
Ayon kay Guico, malaki na ang naging improvement sa river restoration sa Parongking matapos alisin ang mga water lily at basurang nakabara sa daluyan ng tubig, dahilan upang maging mas maayos ang daloy ng ilog.
Gayunman, sinabi ng gobernador na patuloy pang aaralin ng provincial government kung paano mas mapapabilis ang paghupa ng baha, partikular sa Calasiao at Sta. Barbara, na kabilang sa mga lugar na paulit-ulit na binabaha tuwing may malalakas na ulan o bagyo.
Tiniyak ni Guico na magpapatuloy ang dredging sa mga kailogan upang mapalalim ang mga ito at maalis ang mga bara, kabilang ang basura at water lily.
Isa sa nakikita niyang pangunahing hamon ngayon ang outflow ng tubig patungo sa Dagupan City, na nagsisilbing labasan ng tubig mula sa ilang bahagi ng Central Pangasinan.
Dahil dito, makikipag-coordinate ang provincial government sa mga LGU, kabilang ang Dagupan City, upang maisaayos ang mga waterways at mapabilis ang paglabas ng tubig-baha mula sa Calasiao at Sta. Barbara.
Sinabi rin ni Guico na handang sagutin ng provincial government ang kinakailangang gastusin upang matiyak ang maayos na paglabas ng tubig-baha.
Samantala, personal na iniikot ng gobernador ang ilang evacuation center upang alamin ang kalagayan ng mga residenteng lumikas.
Sa Calasiao, sinabi ni Guico na nasa mabuting kalagayan ang mahigit 300 famillies evacuees, sa pangunguna ni Mayor Patrick Caramat.
Hiniling naman ng gobernador sa mga evacuee na magtiyaga muna, dahil umaasa siyang makakabalik na sila sa kanilang mga tahanan sa loob ng isa hanggang dalawang araw, sakaling hindi na muling makaranas ng malakas na pag-ulan.
Bukod sa Calasiao at Sta. Barbara, nakaranas din ng pagbaha ang Lingayen, Binmaley at ilang bahagi ng Mangatarem, San Fabian at Labrador bunsod ng malakas na buhos ng ulan.
Sa kabila ng lawak ng pagbaha, sinabi ng gobernador na zero casualty ang naitala sa lalawigan.










