DAGUPAN CITY — Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, sa ilalim ng First Spouses League of Pangasinan (FSLP), ang programang “TAWIRAN: Pamanang Kaalaman Para sa Magandang Kinabukasan” na layong tulungan ang mga Out-of-School Youth (OSY) sa lalawigan sa pamamagitan ng isang Community-Based Values Formation and Functional Literacy Program.

Pinangunahan ito ni First Lady Maan Tuazon-Guico ng First Spouses League of Pangasinan ang programa upang magbigay pagasa sa mga out-of-school youth na matutong magbasa at magsulat.

Aniya, ang nasabing programa ay ilalapit sa mga taong hindi marunong sumulat at magbasa at hindi nagkaroon ng pagkakataon para sa edukasyon.
Ang mga Out-of-School Youth na may potential ay hahanapan ng serbisyo sa probinsya katulad ng pagpasok nila sa TESDA o scholarship.

--Ads--

Giit ng First Ldy na suportahan ang ganitong mga inisyatiba upang masigurong walang kabataang maiiwan sa usapin ng edukasyon at kaunlaran.

Matatandaan sa pagaaral ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), anim na bayan at lungsod sa Pangasinan ang may mataas na bilang ng OSY na nasa edad 14 hanggang 24 taong gulang. Nangunguna ang Mangatarem na may 4,697 OSY, sinundan ng Umingan na may 1,707, Urdaneta City na may 583, Bolinao na may 537, San Nicolas na may 471, at Lingayen na may 435.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng Out-of-School Youth, nakapagtala ang Pangasinan ng 64.4 percent functional literacy rate sa Rehiyon Uno, batay sa 2024 FLEMMS (Functional Literacy, Education and Mass Media Survey) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ibig sabihin ng naturang datos, dumarami ang mga kabataang may kakulangan sa kakayahang magbasa, magsulat, at umunawa ng mga pangunahing kaalaman—isang sitwasyong itinuturing na nakakalungkot at nakababahala sa kabila ng mga umiiral na programang pang-edukasyon.

Sa kabila ng mga umiiral na programang pang-edukasyon, nananatiling hamon ang pag-abot sa maraming kabataan na napilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kahirapan, kakulangan ng oportunidad, at iba pang suliraning panlipunan.

Layunin ng programang TAWIRAN na mahasa ang kaalaman, mahubog ang kakayahan, personalidad, at kagalingan ng mga kabataang muling bibigyan ng pagkakataong matuto at makapaghanda para sa mas maayos na kinabukasan.

Ang programa ay hatid ng First Spouses League of Pangasinan, katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Library, at Pangasinan Polytechnic College (PPC).