Ipinaliwanag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang desisyon nitong hindi ipatupad ang 4-day work week sa gitna ng mga panawagang magpatupad nito upang makatipid sa gastusin at makatulong sa mga empleyado.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, pangunahing isinasaalang-alang ng Kapitolyo ang kapakanan ng publiko, partikular ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng serbisyong medikal sa buong lalawigan.

Aniya, kung ipatutupad ang naturang sistema, maaaring maapektuhan ang operasyon ng mga frontline services, lalo na sa 14 na pampublikong ospital sa Pangasinan na kinakailangang maghatid ng serbisyong walang patid.

--Ads--

Binigyang-diin din ng opisyal na hindi maaaring basta bawasan ang araw ng trabaho ng mga kawani sa sektor ng kalusugan dahil nakasalalay dito ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga pasyente.

Dagdag pa ni Lambino, mahalagang mapanatili ang sapat na bilang ng mga health workers sa bawat araw upang matiyak ang maayos, mabilis, at tuloy-tuloy na serbisyo para sa publiko.