Dumepensa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan tungkol sa alegasyong ibinabato sa kanila patungkol sa terminasyon ng kanilang kasunduan sa Manila Water Company Incorporated dahil umano sa regulasyong hindi nasunod.

Ayon kay Pangasinan Governor Ramon “Mon Mon” Guico III, nagulat umano siya nang makitang nag-expire na ang P8-billion concession agreement para sa patubig at nilinaw na hindi siya ang pumirma sa nasabing kasunduan kundi ang dating administrasyon.

Ang 25-taong kontrata ay ginawa noong administrasyon ni dating Gobernador Amado Espino III noong Enero 2022 at inaasahang bubuo ng bulk water sa pamamagitan ng isang imprastraktura na pagmumulan ng tubig mula sa Agno River na tumatawid sa mga lalawigan ng Pangasinan, Tarlac at Benguet, gamit ang riverbank filtration technology, na magsisilbi umano sa 14 na bayan at lungsod sa Pangasinan.

--Ads--

Dahil dito, nailalagay aniya sa hindi magandang imahe ang Pamahalaang Panlalawigan at maraming mga masasakit na salitang ibinabato rito kaya’t nais lamang aniya nilang linisin ang kanilang imahe.

Bagamat hindi sa kaniyang administrasyon nanggaling ang pirma, ipinaguutos nito sa provincial legal officers na linawin at palawigin ang timelines ng naging kabuuang proseso ng nasabing kasunduan.

Pagbibigay linaw pa nito, hindi nila alam ang anumang kundisyon na hindi nila naabot, taliwas sa sinabi ng Manila Water na winakasan ang kontrata dahil sa nonfulfillment of conditions ng pamahalaang panlalawigan, gaya ng nakasaad sa stock exchange filing noong Enero 3.

Dagdag pa ng gobernador, handa silang makipag-negosasyon muli sa Manila Water ngunit malugod na tatanggapin ng pamahalaang panlalawigan ang iba pang kumpanyang handang magtayo ng mga katulad na proyekto sa lalawigan.