Dagupan City – Binigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan na ang Veterans Park at Reflective Pool sa Kapitolyo ng lalawigan ay nagsisilbing pangmatagalang alaala at parangal sa mga bayani na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan at kapayapaan ng bansa.

Ayon kay Pangasinan Governor Ramon “Monmon” Guico III, ang nasabing pasilidad ay higit pa sa isang selebrasyon.

Ito ay pagkilala sa matibay na komitment at dedikasyon ng mga veterans na ipinaglaban ang kapakanan ng bansang Pilipinas.

--Ads--

Ayon sa gobernador, hindi lamang ito paggunita sa nakaraan, kundi pagpapatibay ng pananagutan bilang mamamayan na ipagpatuloy ang ipinaglaban ng mga bayani.

Dagdag pa niya, ang Veterans Park at Reflective Pool ay nagsisilbing tribute hindi lamang sa mga bayani ng Pangasinan kundi sa lahat ng bayani ng Pilipinas, na patuloy na nagpapaalala sa tapang at sakripisyong inialay upang mapanatili ang kapayapaan at kalayaan ng bansa.

Kasabay nito, isinulong din ng pamahalaang panlalawigan ang iba’t ibang inisyatiba at proyektong nakaayon sa mga planong modernisasyon at mga hinaharap na inobasyon, bilang paggalang sa nakamit na kalayaan.

Patuloy naman ang mga hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan upang tiyakin na ang diwa ng kabayanihan ay mananatiling buhay at magsisilbing gabay sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.