Dagupan City – Inihayag ng Provincial Government na malaki ang papel ng Pangasinan sa pagtataguyod ng Accelerating Salt Research and Innovation o ASIN Research and Development Center sa lalawigan na kauna-unahan sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Nestor Batalla, Assistant Provincial Agriculturist at Provincial Salt Program Head, ipinaliwanag nito na magsisilbing sentro at magiging susi ang nasabing pasilidad sa pagpapabuti ng kalidad at produksyon ng asin sa pamamagitan ng research, innovation, at development.
Layunin ng sentro na mapabilis ang proseso ng paggawa ng brine, ang pangunahing sangkap sa paggawa ng asin, mula 30 araw pababa sa 15 araw.
Magkakaroon din dito ng ugnayan sa mga eksperto mula sa iba’t ibang bansa upang magamit ang mga makabagong teknolohiya sa paggawa ng asin.
Saad niya na buo ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, sa pangunguna ni Governor Ramon Mon-Mon Guico III, sa Asin Center at handang magbigay ng tulong sa mga mag-aasin.
Mayroon namang 473 ektarya ng lupa sa Pangasinan na maaaring gamitin para sa mga research activities.
Bukod dito, magbibigay din ang probinsiya ng manpower, materyales, at kagamitan.
Pagbabahagi pa nito na ang Pangasinan Salt Center sa Bolinao ay mayroon ding malaking gampanin, kung saan kasalukuyang nagsasagawa ng mga pag-aaral sa pakikipagtulungan sa Mariano
Marcos State University.
Ipinagmalaki naman nito na sa kasalukuyan, nakapag-produce ang Pangasinan Salt Center ng 6.5 million kilos ng asin noong nakaraang taon, at target nilang maabot ang 6.8 million kilos ngayong taon.










