Dagupan City – Patuloy ang pagpapaigting ng Pamahalaang Panlungsod ng Dagupan sa mga proyekto at programang pang-edukasyon bilang tugon sa lumalaking pangangailangan ng mga mag-aaral sa lungsod.

Ayon kay Dagupan City Mayor Belen T Fernandez, nasa dalawampu’t tatlong school buildings ang kasalukuyang bahagi ng mga proyektong ipinatutupad.

Ilan sa mga gusali ay natapos na, habang ang iba naman ay patuloy pa ang konstruksyon.

Layunin ng mga proyektong ito na mabawasan ang kakulangan sa silid-aralan at mapabuti ang kondisyon ng pag-aaral ng mga estudyante.

Tinitingnan din ng pamahalaang panlungsod ang posibilidad na madagdagan pa ng tatlo hanggang apat na karagdagang school buildings, depende sa pondo at pangangailangan ng mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Kasabay nito, patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa pambansang pamahalaan, partikular sa Department of Education, upang humingi ng karagdagang suporta para sa pagpapalawig ng mga programang pang-edukasyon.

--Ads--

Kabilang dito ang tulong sa imprastraktura, kagamitan, at iba pang serbisyong makatutulong sa kalidad ng edukasyon.

Ayon sa pamahalaang panlungsod, layon ng tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga proyekto at ng patuloy na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na mapalakas ang sektor ng edukasyon sa Dagupan City at matugunan ang pangangailangan ng mas maraming mag-aaral.