Nalugi umano ang pamahalaan ng P5.6 bilyon simula nang ipatupad ng pamahalaan ang bawas-taripa sa imported na bigas noong Hulyo.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG), mali ang naging desisyon ng pamahalaan sa pagpapababa ng taripa kung kaya sa simula pa lamang ay tinutulan na ng mga nasa sektor ng agrikultura ang pagpapatupad ng Executive Order No. 62 na nagpababa ng taripa sa imported rice ng 15% mula sa dating 35%.

Aniya, nabigo rin ito sa layunin nito na pababain sa mga pamilihan ang presyo ng bigas ng hanggang P41 hanggang P44 kada kilo man lamang kahit well milled rice.

--Ads--

Ang dahilan aniya ay inihahalo ng ilang traders ang imported na bigas sa mga local rice na ngayon ay wala na ring nakaimbak.

Katuwiran umano ng Department of Agriculture (DA), kaya mataas pa rin ang presyo ng bigas sa merkado ay dahil ito ang old stocks ng imported na bigas.

Pagdating,umano ng buwan ng Nobyembre hanggang Enero ay asahan na rin ng publiko na talagang bababa na ang presyo ng bigas, hindi dahil sa epekto ng pinababang taripa kundi dahil ito na talaga ang panahon ng anihan ng mga lokal na magsasaka.

Isiniwalat din ni Cainglet na sa huli nilang pakikipag-usap sa pamahalaan, humiling ang National Economic Development Authority (NEDA) na pagbigyan pa ang gobyerno na ipagpatuloy hanggang Enero ang pagpapatupad ng mababang taripa sa imported rice na nangangahulugan na patuloy na lalaki ang lugi nito mula sa taripa.