Nananawagan ang organisasyon ng Pasang Masda sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hangga’t maaari ay pagbigyan ang hiling na palugit ng ilang mga drayber at operator kaugnay sa jeepney modernization.
Ayon sa National President nito na si Obet Martin, kung hindi pa kaya ay huwag munang ipilit upang mabigyan pa ng pagkakataon ang mga naturang mamamayan na palawigin pa ang kanilang serbisyo para sa mga mananakay.
Kung tutuusin aniya ay maganda naman ang layunin sa likod ng intensyong pagpapabago ng mga pampublikong sasakyan dahil nakatuon ito sa mas ligtas at mas convenient na biyahe para sa mga komyuter.
Ngunit dahil sa kakulangan ng tamang pagpapaliwanag sa mga drayber at operator, marami ang mga tumutuligsa rito.
Ginagawa naman ng kanilang hanay ang lahat ng kanilang makakaya upang mapaghandaan ang pagsusulong ng naturang usapin ngunit ang nagiging dahilan lamang umano ng pagka-antala ng pagpapatupad nito partikular sa mga probinsya ay ang pagkakaroon ng pending ng gobyerno sa mga loan sa Cooperative o Corporation.
Pagsasaad ni Martin na hinihingi pa nila sa LTFRB at Department of Transportation (DOTR) ang kasiguraduhan na ang loan ay may pitong taong palugit upang may panahon pa ang mga operator na makabayad.
Sa ngayon, pakiusap nito na bigyan pa ng pagkakataon ang mga tradisyunal na jeepney na makapamasada pansamantala hanggang sa maging handa na ang mga operator na makipagsabayan sa modernisasyon.