Tinawag ng Malacañang na “walang basehan” ang mga ulat tungkol sa posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Undersecretary Claire Castro ng Presidential Communications Office (PCO), ang mga ulat na ito ay “political maneuverings” lamang.
Aniya ay napansin nila ang pahayag na ito mula sa isang mambabatas subalit sa ngayon, ito ay mga walang basehang pahayag na diumano’y nagmula sa mga tagasuporta ng isang tiyak na politiko.
Ito ay matapos sabihin ni Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice na posibleng maghain ng impeachment complaint laban sa pangulo ang ilang mambabatas kapag nagpatuloy ang sesyon sa House of Representatives.
Isa sa posibleng dahilan ng impeachment ay ang diumano’y pagkakasangkot ni Marcos sa kontrobersyal na flood control scandal at ang mga kuwestiyonableng pagbabago sa 2025 national budget, na tinuturing na paglabag sa tiwala ng publiko.
Ngunit iginiit ni Castro na mas pinipili ng pangulo na ituon ang pansin sa mga inisyatibong layuning mapabuti ang buhay ng mga Pilipino kaysa sa pagbibigay pansin sa mga walang basehang paratang.










