Ikinatutuwa ng filipino community na napabilang sa mga hostages na pinalaya ng militanteng Hamas ang isang Pilipino.
Kinilala ang Pilipinong ito bilang si Jimmy Pacheco na tubong Cabayo, Ilocos Norte.

Bukod sa kaniya, kabilang din sa mga napalaya ang 13 Israeli at 10 Thailand nationals.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vhanz Pornel, ang Bombo International News Correspondent mula sa Israel, pinalabas na mula sa Gaza si Pacheco at pinatawid sa Egypt.

--Ads--

Nakasisiguro aniya silang dinala ito sa ospital upang masuri ang kaniyang kalagayan.

Bukod kay Pacheco, may isa pa aniyang Pilipinong babae na patuloy pa rin nilang kinukumpirma kung naroroon pa rin ito sa loob ng Gaza dahil nang konektahin ng kaniyang pamilya ang kaniyang telepono, napag-alamang nanggagaling ito sa Gaza ngunit patuloy pa rin aniya nilang aalamin ang patungkol sa bagay na ito.

Ang pagpapalaya ng mga bihag sa pagitan ng Israel at Hamas ay bahagi ng kanilang napagkasunduan kasabay ng apat na araw na tigil putukan.

Sa kasalukuyan ay higit sa 20 na ang mga napalayang hostages ng Hamas ang ngayo’y nakabalik na sa Israel.


Base aniya sa napagkasunduan ng dalawang panig, nasa 50 Israeli citizens pa ang nakatakdang palayain ng Hamas at hinati-hati sa loob ng apat na araw kaya’t aasahan pang mayroon pang mga susunod na batch ng mga palalayaing hostages.

Dagdag pa ni Pornel, nakahinga nang maayos ngayon ang mga kababayang Pilipino dahil wala ring naganap na ceasefire.

Patuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lider ng filipino community gayundin sa mga tagapangasiwa ng seguridad sa Israel.

Sa ngayon dahil walang kasiguraduhan kung talaga ngang tutupad sa napagkasunduan ang mga Hamas, ang pokus lang muna ng Israel ngayon ay ang mapanatiling ligtas ang mga mamamayan sa bawat araw at pagkatapos ng apat na araw na tigil-putukan, saka lamang malalaman kung maaari pang mapalawig pa ang kasunduan o hindi na.