DAGUPAN CITY- Masiglang sinimulan ang Pakwan Festival 2026 sa bayan ng Bani sa pamamagitan ng makukulay na parada na nilahukan ng mga lokal na pamahalaan, barangay officials, mga kinatawan ng Department of Education, at iba’t ibang samahan ng mga magsasaka.
Ipinakita sa parada ang pagkakaisa ng komunidad at ang patuloy na pagsuporta sa pangunahing produktong agrikultural ng bayan—ang kilala at pinakamatamis na pakwan ng Bani.
Isa sa mga tampok na aktibidad ng pagdiriwang ang boodle fight na dinaluhan nina Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III at 1st District Congressman Arthur F. Celeste, bilang simbolo ng pakikiisa at suporta ng mga lider ng lalawigan at distrito sa lokal na industriya ng agrikultura at turismo ng Bani.
Ang Pakwan Festival ay sinimulan noong 2014 sa layuning magkaroon ng kakaibang pagkakakilanlan ang bayan at maisulong ang lokal na produkto.
Sa pamamagitan ng taunang selebrasyon, mas nakilala sa mas malawak na saklaw ang matamis na pakwan ng Bani, na nagbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga magsasaka.
Sa paglipas ng mga taon, dumami ang mga nagtatanim ng pakwan at lumakas ang suporta ng lokal na pamahalaan sa sektor ng agrikultura.
Bagama’t pansamantalang natigil ang festival dahil sa pandemya, nagpatuloy ang demand sa pakwan hanggang sa puntong nauubos agad ang ani dahil nabibili na ito kahit nasa taniman pa lamang.
Dahil sa tagumpay ng festival, patuloy na isinusulong ng bayan ang mas malawak na promosyon ng pakwan sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, nakatuon na rin ang mga programa sa pagbuo ng mga by-product mula sa pakwan upang mas mapalawak pa ang benepisyo para sa mga lokal na magsasaka at negosyante.
Inaanyayahan ang mga bisita mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na dumayo sa Bani at personal na matikman ang natatanging tamis ng kanilang pakwan.
Samantala, tiniyak ng Bani Police Station ang kaayusan at seguridad sa buong selebrasyon.
Isang buwan bago ang festival ay naghanda na ang kapulisan sa koordinasyon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at lokal na pamahalaan.
Maagang nagsagawa ng briefing at deployment ng mga tauhan sa mga rutang dadaanan ng parada at sa mga mataong lugar.
Full force ang inilatag na seguridad, na may augmentation mula sa mga karatig-bayan, upang masaklaw ang lahat ng kinakailangang lugar.
Nagsagawa rin ng clearing operations sa mga kalsadang dadaanan ng parada upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko.
Matapos ang mga pangunahing aktibidad, inaasahang babalik sa normal ang daloy ng sasakyan sa bayan.
Patuloy ang paalala ng kapulisan sa mga dumalo at sa mga bibisita pa sa Bani na mag-ingat sa kanilang mga personal na gamit at tiyaking ligtas ang kanilang mga sasakyan, lalo na sa mga mataong lugar.
Sa kabuuan, ang Pakwan Festival 2026 ay hindi lamang pagdiriwang ng ani kundi patunay ng tagumpay ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at mamamayan sa pagtataguyod ng lokal na produkto at kultura ng bayan ng Bani.










