Hinahatulang guilty ng korte sa Estados Unidos ang isang Pakistani national na si Asif Merchant dahil sa umano’y plano na pag-patay kay U.S. President Donald Trump at iba pang kilalang pulitiko sa Amerika dalawang taon na ang nakalilipas.
Ayon sa US Department of Justice (DOJ), sinubukan ni Merchant na mag-recruit ng mga tao sa US upang isagawa ang assassination plot bilang ganti sa pagpatay ng Amerika kay Iranian military commander Qassem Soleimani noong 2020, nang si Trump ay nasa kanyang unang termino bilang pangulo.
Bukod kay Trump, kabilang din umano sa mga target sa plano noong 2024 sina dating U.S. President Joe Biden at si Nikki Haley, na noon ay tumakbo laban kay Trump para sa nominasyon ng Republican Party sa pagkapangulo.
Napatunayang guilty si Merchant sa kasong “murder for hire” at pagtatangkang magsagawa ng terorismo, na umano’y iniutos ng mga awtoridad sa Iran.
Sa paglilitis sa Brooklyn, New York, inamin ni Merchant na may kaugnayan siya sa plano at nakipag-ugnayan sa Islamic Revolutionary Guards Corps (IRGC) ng Iran. Gayunman, sinabi niyang ginawa niya ito laban sa kanyang kagustuhan upang maprotektahan ang kanyang pamilya sa Tehran.
Ayon pa sa kanya, hindi siya binigyan ng direktang utos na patayin ang isang partikular na tao, ngunit binanggit umano ng kanyang Iranian handler ang tatlong posibleng target sa kanilang pag-uusap sa Iran.
Nabigo ang plano matapos i-report ng isang taong kinontak ni Merchant noong Abril 2024 ang kanyang aktibidad sa mga awtoridad at naging confidential informant. Dahil dito, agad siyang inaresto bago pa maisagawa ang anumang pag-atake.
Samantala, patuloy na itinanggi ng Iran ang mga akusasyon na pinuntirya nito si Trump o iba pang opisyal ng Estados Unidos. Ang isyu ay lumalabas sa gitna ng lumalalang tensyon at labanan sa rehiyon na kinasasangkutan ng US, Israel, at Iran.










