BOMBO DAGUPAN – “Both parties are on the losing end.”
Yan ang ibinahagi ni Dr. Nhorly Domenden -Director, Wundt Psychological Institute kaugnay sa bangayan sa social media ng pamilya ni double-olympic gold medalists Carlos Yulo.
Ito ay matapos naging mainit na usapin ang umano’y naging posts ng ina nito na si Angelica Yulo na tila hindi suportado sa kaniyang anak.
Kaugnay nito ani Dr. Nhorly ay madami na rin ang nakisawsaw sa isyu na hindi naman alam ang pinagmulan ng usapin at totoong nangyari.
Bagamat ay inilabas na ito sa social media ay mas lalong naging komplikado ang sitwasyon.
Aniya na hindi matatapos ang nasabing bangayan kung patuloy ang panggagatong at pangingialam ng mga tao lalo na ang pagbato ng negatibong komento sa ina ng atleta.
Saad ni Dr. Nhorly na sakali mang mabasa ni Carlos ang mga masasakit na komento sa kaniyang ina ay masasaktan parin ito bilang isang anak.
Kaugnay naman sa pangingialam umano ng ina nito sa kanyang relasyon at kaniyang pera ani Dr. Nhorly ay hindi naman daw ito masama subalit dapat ay hindi humantong sa puntong mawawalan ng kalayaan si Carlos na gawin ang gusto niya.
Nagpaalala na lamang ito lalo na sa publiko na kung wala namang pakialam at magagawa para makatulong sa pag-aayos ng pamilya ng atleta ay wag ng makisawsaw at makipagdiwang na lamang sa panalo ni Carlos para hindi na lumala pa ang isyu.