DAGUPAN CITY- Maliban sa makakatipid, malaking tulong ang pakikiisa sa Earth Hour para makabawas sa epekto ng climate change.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Eric Reymundo, Department of Energy (DOE) Certified Energy Manager & Environmental Practitioner, hindi lang kuryente kundi pati ang tubig ang kabilang sa tema ng Earth Hour ngayon 2025.

Aniya, target pa rin sa taon ito ang pagtaas ng kamalayan at kaisipan sa pagtitipid sa pagkonsumo at ang pangangalaga sa kalikasan.

--Ads--

Kaugnay nito, makakatulong ang pakikiisa sa Earth Hour para makabawas ang mga planta sa paggamit ng “coal energy” kahit pa magtuloy-tuloy ang kanilang operasyon.

Ang pagsunog kase ng “coal energy” ang isa sa mga contributor ng greenhouse gases na nagdudulot ng climate change.

Dahil na rin sa mga makabagong kagamitan, ang pagpatay ng mga ito sa loob ng isang oras ay magkakaroon ng pagtitipid. Maliban na lamang sa mga makalumang modelo ng mga kagamitan, tulad ng bumbilya, na ang muling pagbukas ay kumokonsumo ng malaking elektrisidad.

Dagdag pa ni Engr. Reymundo, na labis makakatulong sa mundo ang paggamit ng solar pannel bilang pinagmumulan ng elektrisidad. Bukod pa riyan, mas lalo rin makakatipid sa bayarin ang gumagamit nito.

Samantala, ipinaliwanag din niya na maliban sa nasabing pagkonsumo ay kabilang sa mga nagdudulot ng climate change ang deforestation o ang kaingin at paggamit ng mga transportasyon.

Aniya, dapat nang maniwala ang mga tao sa nagbabagong panahon dahil marami na ang nakikitang epekto nito na ikinakasawi rin ng mga tao.