Patuloy ang pag-aabang ng mga Pangasinense sa nalalapit na pailaw ng Provincial Capitol, isang taunang selebrasyon na sumisimbolo sa pagsisimula ng kapaskuhan at pagkakaisa ng buong lalawigan.
Sa temang naglalayong pag-isahin ang komunidad sa iisang diwa ng liwanag at pag-asa, inaasahang mas magiging makulay, mas maliwanag, at mas engrande ang pagpapailaw ngayong taon.
Sa mensaheng inilabas ng Kapitolyo, hinikayat ang mga kabaleyan na sama-samang tunghayan ang kislap, liwanag at ningning ng Pangasinan na isang paalala na ang diwa ng Pasko ay patuloy na umiilaw sa bawat tahanan at bawat puso sa kabila ng mga hamong pinagdaanan ng lalawigan.
Kasabay ng paghahanda, abala ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapatapos ng dekorasyon sa paligid ng Capitol grounds, kabilang ang Christmas tree, thematic light displays, at iba pang atraksyong inaasahang dadayuhin ng mga pamilya, estudyante, at turista.
Inaasahan ding magtatampok ang programa ng mga pagtatanghal, lokal na talento, at iba pang aktibidad na magbibigay saya at sigla sa pagbubukas ng kapaskuhan.
Habang papalapit ang araw ng kumpas ng ilaw, nananatiling mataas ang excitement ng publiko.
Para sa mga Pangasinense, ang pailaw ng Capitol ay hindi lamang pagdiriwang ng Pasko kundi ito ay simbolo ng pagbangon, pagkakaisa, at patuloy na pagningning ng lalawigan.










