Tinuligsa ni Jerome Adonis, chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ang naging pahayag ni Senadora Imee Marcos kaugnay ng umano’y paggamit ng ilegal na droga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aniya’y nagpapakita ng malalim na pagkabulok ng sistemang politikal sa bansa.

Ayon kay Adonis, malinaw umano sa pahayag ng senadora na sa larangan ng politika ay “walang kapatid-kapatid,” at nakaaalarma umano na mismong isang miyembro ng pamilya Marcos ang naglalabas ng ganoong akusasyon.

Sinabi rin niya na kung totoo man ang alegasyon, “nakakahiya” para sa bansa na magkaroon ng pangulong sangkot sa ilegal na droga, at nagiging kwestiyonable umano ang direksyon ng administrasyon pagdating sa kampanya kontra ilegal na droga.

--Ads--

Dagdag pa niya, posibleng magkaroon ito ng seryosong implikasyon sa economic policy, political stability, at iba pang aspekto ng pamamahala.

Binigyang-diin din ni Adonis na hindi kailanman tama ang paggamit ng ilegal na droga, at hindi umano patas na ang mga ordinaryong mamamayan na nahuhuli ay agad nakukulong o napapatay, habang ang isang mataas na opisyal ay napapailalim lamang sa alegasyon.

Kasabay nito, sinabi niya na dumadagdag lamang ang isyu sa “patong-patong na problema” na kinakaharap ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.
Ayon kay Adonis, posibleng mas tumindi pa ang bangayan sa pagitan ng Pangulo at ni House appropriations chair Zaldy Co, matapos umano itong “mag-expose” sa ilang isyu na ikinapipikon daw ng Malacañang.

Dagdag pa niya, “numero unong magnanakaw” umano ang Pangulo isang akusasyong agad niyang iniuugnay sa pananaw ng kanilang grupo dahil aniya, “anumang ginagalaw sa badyet ay hindi maaaring hindi makita ni PBBM.”