Kumbinsido ang dalawang co-chairman sa House quadruple committee na magagamit ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging basehan para sampahan ito ng kaso.

Sa isang press conference, sinabi nina Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at Laguna Rep. Dan Fernandez na sa pahayag ng dating pangulong “pananagutan nito” ang drug war ay nagpapakitang nilabag nito ang Republic Act 9851 o ang Philippine Act on crimes against international humanitarian law, genocide, and other crimes against humanity.

Anila, hindi naman masasabi ng kampo ni Duterte na nagbibiro lamang siya o ‘figure of speech’ lamang ang kaniyang sinabi.

--Ads--

Maliban kay Duterte, maaari din umanong sampahan ng kaso ang iba pang hinihinalang sangkto sa drug wars katulad ni Sen. Ronald Dela Rosa na dating hepe ng PNP noong Duterte Administration.

Samantala, hinihikayat naman ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang senado na magsumite ng affidavit ni Duterte at record ng pagdinig sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa imbestigasyon sa drug war.

Aniya, kailangan ng buong kooperasyon sa ICC dahil mahirap pa rin makamit ang hustisya sa bansa lalo na’t dating pangulo ang kinakaharap.